Soyud nagbunga ang paghihintay
MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang taon bilang reserve player ng NLEX, nabigyan na rin ng kontrata si dating UP Maroon Raul Soyud kahapon.
May nakitang potensyal si coach Yeng Guiao sa 6-foot-6 front court player kaya ito pinapirma ng Road Warriors sa isang two-year deal na nagkakahalaga ng P3.24 milyon.
“He’s shooting three-pointers in practice. He may be developed by coach Yeng to be like Beau Belga at JR Quiñahan,” wika ni Danny Espiritu, ang agent/manager ni Soyud.
Nabigo ang 31st pick noong 2014 Rookie Draft na makapasok sa NLEX roster sa nakaraang dalawang seasons.
Tatanggap si Soyud ng P120k bawat buwan para sa darating na season kasunod ang P150k sa 2017-18.
Samantala, hindi pa nabibigyan ng kontrata ng Globalport si Slam Dunk King Rey Guevarra matapos umalis para maglaro sa FIBA 3-on-3 Tour sa Dubai.
Hindi pa nakakapagdesisyon si coach Franz Pumaren kung magagamit niya ang dating Letran Knight.
Nakuha ng Batang Pier ang signing rights ni Guevarra mula sa Meralco bilang kapalit ni Joseph Yeo.
Sa kampo ng Star Hotshots, kinuha ni coach Chito Victolero sina Alvin Abundo at Samboy de Leon, parehong produkto ng Centro Escolar U at naglaro sa Café France sa PBA D-League.
Ang 5-foot-9 na si Abundo ang sasalo sa maiiwang trabaho ni Jio Jalalon kapag kinailangan siya ng Gilas Pilipinas.
Si De Leon, hindi pinapirma ng Star noong nakaraang taon, ang magiging backup nina Allein Maliksi at PJ Simon.
- Latest