MANILA, Philippines – Sa press conference para sa 42nd season ng Philippine Basketball Association noong Lunes ay hindi naiwasan ni chairman Mikee Romero na magkomento sa isyu sa Philippine Olympic Committee.
Ayon kay Romero, panahon na para baguhin ang liderato at sistema sa POC sa pamamagitan ni presidential candidate Ricky Vargas ng Association of Boxing Alliances of the Philippines.
“It’s time to overhaul the POC, overhaul Philippine sports,” panawagan ni Romero, dating naging pangulo ng shooting at cycling associations.
Kamakailan ay diniskuwalipika ng POC Commission on Elections sina Vargas at Philcycling chief Tagaytay Rep. Bambol Tolentino, lalaban para sa POC chairmanship, dahil sa pagiging ‘inactive’ sa POC General Assembly.
Ang nasabing desisyon ng POC COMELEC, pinamumunuan ni dating International Olympic Committee representative to the Philippines Frank Elizalde, ang sinasabing pumabor kay incumbent president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. ng equestrian.
Hangad ng 82-anyos na si Cojuangco ang kanyang ikaapat na sunod na termino bilang presidente ng POC sapul nang mailuklok noong 2004.
Ayon kay Romero, panahon na para magkaroon ng bagong liderato ang POC.
“It’s time for change, let the democratic process find its own path and let it flow,” sabi ng sportsman-businessman.
Nakatakda ang eleksyon ng POC sa Nobyembre 25.
Plano ng grupo ni Vargas na magsampa ng Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang POC na magdaos ng eleksyon.
Nagpasa na kamakailan si Senate Committee on Sports vice-chairman Sonny Angara ng isang resolusyon para alamin ang nasabing isyu sa POC.