MANILA, Philippines – Dinagit ng Ateneo ang University of Santo Tomas, 74-64, upang masolo ang ikalawang puwesto sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Patuloy ang pag-angat ng Eagles na sumulong sa 9-4 rekord kung saan isang panalo na lamang ang kinakailangan nito upang masungkit ang twice-to-beat card sa Final Four.
Bumandera para sa Eagles si Isaac Go na nagtala ng 15 puntos mula sa 7-of-9 shooting clip habang nagrehistro si Mike Nieto ng 13 puntos at anim na rebounds gayundin si Manuel Tolentino ng 11 puntos at siyam na boards.
“It’s a learning experience for our players. We put ourselves in a position to be able to get the twice-to-beat,” wika ni Ateneo consultant Tab Baldwin.
Tinapos ng UST ang kampanya nito tangan ang 3-11 baraha.
Bigo si Louie Vigil na bigyan ng magandang exit ang Tigers nang umiskor ito ng 14 puntos mula sa masamang 5-of-16 shooting samantalang nag-ambag ng tig-siyam sina Dean Lee at Jon Sheriff, at tigwa-walo naman sina Jeepy Faundo, Jan Macasaet at Oliver De Guzman.
Liyamado ang Ateneo sa rebounding, 50-33, gayundin sa assists, 20-9 at steals, 4-2.
Sa ikalawang laro, pinataob ng La Salle ang nagdedepensang Far Eastern University, 73-67 upang magarbong tapusin ang eliminasyon tangan ang 13-1 baraha.
Pumana si Jeron Teng ng 17 puntos habang nagbalik ang bangis ni Ben Mbala na may double-double na 16 markers at 16 boards at tumipa ng pinagsamang 25 puntos sina Kib Montalbo at Aljun Melecio.
Nahulog sa ikatlong posisyon ang Tamaraws tangan ang 8-5 marka kung saan tanging sina Alejandrino Inigo (18) at Allen Trinidad (16) lamang ang nagsumite ng double figures.
Sa huling araw ng eliminasyon sa Miyerkules, makakatipan ng FEU ang University of the East habang sasagupain naman ng Ateneo ang Adamson University (7-5).
Kung magkakaroon ng three-way tie sa No. 2 spot sa pagitan ng Tamaraws, Eagles at Soaring Falcons, ipatutupad ang quotient system upang madetermina ang puwestuhan sa semis.
AdMU 74 – Go 15, Mi. Nieto 13, Tolentino 11, Asistio 6, Wong 5, ikeh 5, Black 5, Verano 5, Mendoza 4, Ravena 3, Ma. Nieto 2, Porter 0.
UST 64 – Vigil 14, Lee 9, Sheriff 9, Faundo 8, Macasaet 8, De Guzman 8, Subido 3, Lao 3, Afoakwah 2.
Quarterscores: 16-15; 38-36; 58-53; 74-64.
DLSU 73 – Teng 17, Mbala 16, Montalbo 13, Melecio 12, Tratter 5, Caracut 4, Rivero P 3, Torres 3, Paraiso 0, Sargent 0, Baltazar 0.
FEU 67 – Inigo 18, Trinidad 16, Orizu 7, Comboy 7, Arong 7, Escoto 6, Jose 4, Dennison 2, Tuffin 0, Holmqvist 0, Ebona 0, Nunag 0
Quarterscores: 13-13; 32-35; 51-53; 73-67.