MANILA, Philippines - Magarbong tinapos ni four-time SEA Games champion Marestella Torres-Sunang ang kampanya ng national masters athletics team nang masikwat nito ang gintong medalya sa women’s long jump (35) sa prestihiyosong 22nd World Masters Athletics Championships na ginanap sa Western Australia Athletics Stadium sa Perth, Australia.
Naitala ni Torres-Sunang ang kanyang winning mark na 6.11 metro distansiya sa unang paglundag upang talunin sina silver medalist Melissa Foster ng Australia (5.74m) at bronze winner Cristina Paganelli ng Italy (5.41m).
Nagkasya naman sa ikasiyam na puwesto si Lorna Vejano sa women’s marathon (55) matapos magtala ng 5:22.23.
Nanguna si Monica Regonesi ng Chile na naglista ng 3:26.45 habang pumangalawa si Angelika Hofmann ng Germany (3:48.00) at ikatlo si Julie Lorian ng Australia (4:20.11).
Sa kabuuan, umani ang Pilipinas ng dalawang ginto at isang pilak sa torneong nilahukan ng matitikas na veteran tracksters sa mundo.
Itinanghal na overall champion ang host Australia na nakalikom ng tumataginting na 167 ginto, 162 pilak at 140 tanso kasunod sa ikalawa ang Amerika na may 70-47-51 at ikatlo ang pinagsamang koponan ng Great Britain at Northern Ireland na may 44-50-44.