MANILA, Philippines - Pinitas ng Xavier School University at Holy Child of Davao ang Mindanao championship trophy matapos maghari sa regional finals ng SBP-Passerelle, ang pinakamalaking twin tournament sa bansa.
Naglalaban ang Xavier School University, Ateneo de Davao at Ferndale International School sa round robin sa SBP Tournament.
Sa huli ay ang Xavier School University at Ateneo de Davao ang naglaban sa finals kung saan nanaig ang una sa pamamagitan ng three-point win, 56-53.
Naging mabigat din ang bakbakan sa Passerelle Tournament kung saan sinikwat ng Holy Child of Davao at Southern City Colleges ang tiket sa championship game.
Tinalo ng Holy Child of Davao ang Southern City College, 80-37, habang pumangatlo ang Corpus Christi School.
Ang Sportsmanship award ay ibinigay sa Southern City Colleges para sa Passerelle tournament at ang Ferndale International School para sa SBP Tournament.
Ang iba pang regional playoffs ay idaraos ngayon at bukas sa Baguio City para sa Luzon at sa Nobyembre 19-20 sa Roxas City para sa Visayas.