Siyam na Pinoy cue artists nakapasok sa main draw

MANILA, Philippines - Siyam pang Pinoy cue mas­ters ang nakasiguro ng tiket sa main draw matapos magwagi sa kani-kaniyang do-or-die games sa 2016 Ku­wait Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Al Ardiya Youth Center sa Kuwait City.

Pasok sina Jeffrey De Lu­na, Raymund Faraon at Jeffrey Ignacio na nagsu­mite ng magkakaibang pa­nalo sa group stage.

Mabilis na dinispatsa ni De Luna si Nick Van Den Berg ng Netherlands (9-5) sa Group 3, habang nalu­su­tan ni Faraon si Joshua Filler ng Germany (9-8) sa Group 6.

Namayani naman si Ig­­nacio laban kay Omar Al Shaheen ng Kuwait (9-6) sa Group 7 sa torneong may nakalaang $50,000 sa magkakampeon at $25,000 sa runner-up.

Umabante rin sa knockout stage sina Mark Anthony, Anthony Raga, Payual Valeriano, Jundel Mazon, Roland Garcia at Edwin Ga­mas.

Ginapi ni Anthony si Aref Ali Awadhi ng Kuwait (9-5) sa Group 1; nanaig si Ra­ga kay Mika Immonen ng Finland (9-8) sa Group 2; inilampaso ni Valeriano si Tareq Al Mulla ng Kuwait (9-1) sa Group 4; pinatumba ni Mazon si Marcus Chamat ng Sweden (9-2) sa Group 12; iginupo ni Garcia si Shaun Wilkie ng Amerika (9-4) sa Group 13 at tinalo ni Gamas si Ong Zhao Chieng ng Singapore (9-5) sa Group 14.

Sa kabuuan, may 17 Pi­lipino ang nakahirit ng tiket sa 64-man main draw.

Nauna nang umusad si­na Warren Kiamco, Lee Van Corteza, Alex Pagula­yan, Carlo Biado, Allan Cuar­tero, Oliver Medenilla, William Millares at James Aranas Zoren.

Hindi naman pinalad na makapasok sa susunod na yugto sina dating world champion Dennis Orcollo, Ricky Boy Godez, Johann Chua, Elmer Haya at Tommy Dato-on na lumasap ng kabiguan sa kani-kanilang laban.

Pinatalsik ni Orcollo si Ma­rio He ng Austria (8-9), yumuko si Godez kay Ra­dislaw Babica ng Poland (7-9), taob si Chua kay Woj­ciech Szewczyk ng Poland (4-9), talo si Haya kay Mark Gray ng Great Britain (4-9) at tumupi si Dato-on kay Liu Haitao ng China (6-9).

Show comments