MANILA, Philippines - Babanderahan ni Santy Barnachea ang grupo ng mga siklistang maghahangad na makalahok sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edition.
Ipapadyak ang una sa dalawang qualifying races sa Linggo sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Zambales City.
Sina Merculio Ramos, Alfie Catalan, Cris Joven, Mark Julius Bordeos at Alvin Benosa ang babandera sa Army, habang itatampok ng Navy, nagdomina sa nakarang edisyohn ng Ronda na itinataguyod ng LBC, ang bagong hugot na si Jay Lampawog.
Si Barnachea, naghari sa una at pang-limang edisyon ng six-year old race, ay naging bahagi ng 85-man field na nagpalista sa one-stage, 101-kilometer race, na pakakawalan sa Lighthouse Hotel at magtatapos sa Forest View Park sa SBMA.
Ang top 30 cyclists ang makakaabante sa main race, naghahanay ng premyong P1 milyon para sa magkakampeon mula sa LBC at mga major sponsors na Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen at may basbas ng PhlCycling, na nakatakda sa Pebrero 4 hanggang Marso 4 ng susunod na taon.