MANILA, Philippines - Magbabalik ang Le Tour de Filipinas, ang tanging International Cycling Union (UCI) road race sa bansa, sa Southern Luzon sa Pebrero 18-21, 2017 para sa kanilang ika-walong edisyon.
Opisyal na inihayag ng UCI ang Le Tour de Filipinas 2017 schedule sa UCI World Championships and Management Committee meeting sa Doha, Qatar noong Oktubre.
Pinasalamatan ni Donna Lina ng race organizer na Ube Media Inc. ang UCI at ang pangulo nitong si Bryan Cookson at ang PhilCycling, ang national federation for cycling, sa pamumuno nina president Abraham “Bambol” Tolentino at chairman Alberto Lina para sa muling pagbibigay sa bansa ng pagkakataong idaos ang cycling event na inihahandog ng Air21 para sa pang-walong sunod na taon.
“It is with pride that we are again conducting the Le Tour de Filipinas, proof that the UCI and PhilCycling have continually bestowed their trust and confidence that our organization, Ube Media Inc., conforms to standards for an international road race,” wika ni Lina.
Para sa 2017, dadalhin ng Le Tour de Filipinas ang slogan na “8’s Amazing” para ipakita ang apela ng event na maging bahagi ng UCI Asia Tour calendar.
Maglalaban ang 75 siklista sa nasabing four-stage event na magsisimula sa Antipolo City.
Ngayon pa lamang ay tatlong continental teams na ang nagparamdam ng kanilang intensyon na lumahok sa karera.