MANILA, Philippines – Nagposte si Alexa Milliam ng dalawang mabibigat na panalo, kasama rito ang come-from-behind win sa girls’ 14-and-under class, para makisosyo kay Drixcyn Guillano sa tagumpay sa Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala San Carlos leg regional tennis 2016 sa Sakata Tennis Club sa San Carlos City, Negros Occidental.
Tinalo ng 12-anyos na si Milliam ng La Carlota si Jufe-an Cocoy, 6-4, 6-3, sa 12-U finals at isinunod si Kianna De Asis, 2-6, 7-6(3), 10-5, para sa 14-U crown.
Si Milliam ang hinirang na tanging “double” winner sa Group 2 tournament na itinataguyod ng Palawan Pawnshop at inihahandog ng Slazenger.
Nauna nang binigo ng fourth ranked na si Milliam si top seed Bliss Bayking, 1-6, 6-2, 12-10, sa semis para itakda ang kanilang finals showdown ng third seeded na si De Asis sa week-long top-ranking event na may basbas ng Philta at suportado ng Asiatraders Corp., ang exclusively distributor ng official ball na Slazenger, at bahagi ng pagdiriwang ng Pintaflores Festival.
Ginulat din ni Guillano si top seed Khenz Justiniani, 6-1, 6-3, sa semis bago gibain ng Roxas City, Capiz ace si No. 2 Pete Rodriguez, 6-2, 6-3, para angkinin ang boys’ 12-U title sa event na nilahukan ng record ng 300 entries sa siyam na age group categories.
“Winning two titles in such a big field speaks well of Milliam’s caliber. And with a number of reversals posted in this top ranking event, the future of Philippine tennis looks bright indeed with so many young talents emerging,” sabi ni Palawan Pawnshop president at CEO Bobby Castro.
Samantala, pinadapa ni top seed Elsie Abarquez ng Carcar, Cebu si Gennifer Pagente ng Cagayan de Oro sa second set patungo sa 6-0, 7-5 panalo sa girls’ 18-U finals.
Nakabawi si Abarquez kay Pagente sa kanyang 5-7, 6-4, 7-10 kabiguan sa 16-U finals.
Pinabagsak naman ni No. 2 Vince Tugade ng Sultan Kudarat si top seed Cenon Gonzales, 4-6, 6-2, 10-8, para pitasin ang boys’ title sa event na suportado nina San Carlos City Mayor Gerardo Valmayor Jr., councilor Criston Carmona, dating Rep. Julius Ledesma IV at Vice Gov. Bong Lacson.