MANILA, Philippines – Magkukrus ang landas ng Open Conference titlist Pocari Sweat at University of Santo Tomas ngayong araw upang paglabanan ang top seeding sa Final Four sa huling araw ng eliminasyon sa Shakey’s V-League Season 13-Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang duwelo ng Lady Warriors at Tigresses sa alas-6 ng gabi habang magtutuos naman sa unang laro sa alas-4 ang Bali Pure at Philippine Coast Guard.
Magkasama sa unahan ng standings ang Pocari at UST hawak ang parehong 5-1 marka habang nasa ikalawa ang Bureau of Customs (5-2) at ikaapat ang Bali Pure (4-2).
Nakasakay ang Pocari sa limang sunod na panalo kabilang ang 25-16, 12-25, 25-21, 25-19 dominasyon laban sa Bali Pure noong Sabado.
Nangunguna sa ratsada ng Lady Warriors si American import Breanna Lee Mackie na siyang nangunguna sa Best Spiker at Best Blocker race habang nasa ikatlong puwesto ito sa scoring department bitbit ang average na 21 points kada laro.
Malaki rin ang naitutulong nina American Andrea Kay Kacsits, Fil-Am setter Iris Tolenada, Myla Pablo, Michele Gumabao, Siemens Dadang at libero Melissa Gohing para maabot ang kasalukuyang kinalalagyan ng Pocari.
Sa kabilang banda, mataas din ang moral ng UST na galing sa kampeonato sa University Games na ginanap sa Dumaguete City.
Tinalo ng Tigresses ang Perpetual-Dumaguete sa bendisyon ng 25-17, 25-11, 25-13 panalo sa finals. Ginulantang din ng UST ang reigning UAAP champion De La Salle University sa semifinals na siyang naging daan upang masiguro ang finals appearance.
Aariba para sa Tigresses sina EJ Laure, Ria Meneses, Chloe Cortez at Cherry Rondina na pare-pareho nang may malalim na karanasan matapos maglaro sa Philippine Superliga.
Nadagdagan pa ang bangis ng UST sa pagbabalik ni team captain Pam Lastimosa gayundin ang dagdag puwersang si Carla Sandoval.
Magtatagpo naman sa alas-12:30 ng tanghali ang Champion at Philippine Air Force sa nag-iisang laro sa Spikers’ Turf.