Caguioa, Hontiveros at De Ocampo pumirma na

MANILA, Philippines – Sina Barangay Ginebra guard Mark Caguioa, Alaska Milk shooter Dondon Hontiveros at San Miguel  Beer center Yancy de Ocampo ang pinakabagong PBA pla­yers na nakakuha ng “max” contract extension.

Nilagdaan ni Caguioa ang two-year contract extension deal sa Gin Kings na nagkakahalaga ng P10.08 milyon, habang pumirma sina Hontiveros at De Ocampo ng one-year deals na nagkakahalaga ng P5.04 milyon.

Hindi pa kasama sa nasabing mga kontrata ang ta­tanggaping bonus packages nina Caguioa, Hontiveros at De Ocampo.

Ipagdiriwang ni Caguioa ang kanyang ika-37 kaa­ra­wan sa Nobyembre 19 isang araw bago ang pagbubukas ng 2016-17 PBA season.

Kung hindi siya magkakaroon ng injury ay maaaring maaabot ng 2012 MVP winner ang 10,000-point plateau sa kanyang pang-15 PBA season.

Sa kabuuan ng 2015-16 season ay nagtala ang da­­ting Glendale Community College player ng mga ca­reer pro­ductions na 9,593 points, 2,959 rebounds at 1,476 assists.

Samantala, maglalaro naman ang 39-anyos na si Hontiveros para sa kanyang ika-17 season, habang nasa kanya namang pang-15 season ang 36-anyos na si De Ocampo.

Nauna nang ikinunsidera ni Hontiveros ang pagreretiro matapos ang nakaraang PBA season.

Ang iba pang nakakuha ng panibagong kontrata ay sina Noy Baclao at JP Mendoza sa Alaska, Mike Cortez sa Globalport, Dave Marcelo sa Ginebra, Jason Ballesteros, LA Revilla at Mark Yee sa Mahindra, Jonas Villanueva at Emman Monfort sa NLEX, Willy Wilson sa Phoenix, Jake Pascual sa Star at sina Beau Belga, Raymond Almazan, Jericho Cruz, Jewel Ponferrada, Ronnie Matias at Jireh Ibañes sa Rain or Shine.

Lumagda si Almazan, ang No. 3 pick ng Elasto Painters noong 2013 Draft mula sa Letran, ng maximum contract na P420,000 a month.

Tatanggap si Ibañes, ang tanging player na naglaro sa Rain or Shine simula nang umakyat sa PBA noong 2006, ng P250,000 monthly pay sa kanyang one-year deal.

Si Wilson ay pumirma ng wo-year extension deal sa Fuel Masters na nagkakahalaga ng P380,000 kada buwan ngayong season at tataas sa P400,000 bawat buwan sa susunod na taon.

Tatanggap si Villanueva ng P300,000 a month sa susunod na dalawang seasons sa NLEX at makakakuha si Baclao ng P250,000 a month ngayong season at P280,000 sa 2017-18 sa Alaska.

Show comments