MANILA, Philippines - Tatlong panalo ang itinala nina Nio Tria at Bliss Bayking para dominahin ang Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala Dangcagan, Bacolod leg regional tennis tournament sa Center Court, Panaad at Manville tennis clubs kahapon.
Dinaig ng top seeded na si Tria si No. 8 Reynan Mahusay, 6-4, 6-3, sa finals para angkinin ang korona ng boys’ 16-and-under .
Bilang No. 3 ay sinikwat ng Manila-based teener ang titulo sa 18-U nang kunin ang 6-3, 6-2 panalo laban kay Reyniel Marcellana, sinibak si No. 1 Karl Baran, 2-6, 6-4, 10-5, sa semis ng Group 2 tournament na itinataguyod ng Palawan Pawnshop at inihahandog ng Slazenger.
Naisuko naman ni Bayking ang first set bago gibain si Kianna de Asis, 2-6, 6-2, 10-8, at ibulsa ang girls’ 14-U plum.
Tinalo naman ng San Carlos City, Negros star si top seed Tracy Llamas, 6-2, 6-2, para pagreynahan ang 16-U division sa top-ranking tournament na may basbas ng Philta at suportado ng Asiatraders Corp., ang exclusively distributor ng official ball na Slazenger at idinaos bilang bahagi ng Bacolod Masskara Festival.
Sa doubles ay nakipagtambal naman si Tria kay Baran para ungusan sina Marcellana at Lorenzo Legaspi, 8-6, sa 18-U at nakipagtuwang si Bayking kay Alexa Milliam sa 8-0 paggupo kina Jufe-Ann Cocoy at Arean Pecaoco sa 14-U class.
“Tria and Bayking are but two of a slew of young players who have the skills and talent to make it big someday given proper training and exposure,” sabi ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.