PSL-Manila puntirya ang panalo sa Pomi sa WCWC

MANILA, Philippines – Target ng Philippine Superliga-Manila na maka­ba­wi sa pakikipagtipan nito sa Pomi Casalmaggiore-Italy ngayong gabi sa 2016 FIVB Women’s Club World Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Makikipagtuos ang PSL -Manila sa Pomi Casalmaggiore ng Italy sa alas-7:30 ng gabi kung saan kaila­ngan ng koponan na manalo upang manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa su­sunod na yugto.

Lumasap ang PSL-Ma­nila ng 15-25, 13-25, 20-25 ka­bi­guan sa power­house na Rexona Sesc Rio-Brazil para mahulog sa 0-1 rekord sa Pool A.

Nakipagsabayan sa pa­luan ang local squad ma­tapos magtala ng 35 attacks na siyang parehong numerong nakuha ng Rexona Sesc.

Subalit nagsilbing pasa­kit sa PSL-Manila ang 16 errors nito gayundin ang ma­tibay na net defense at ser­vices ng Rexona Secs kung saan gumawa ito ng 15 blocks at siyam na aces.

Sa kabila ng kabiguan ay naging masaya ang PSL-Manila sa magandang laban na ibinigay nila sa Re­xona Sesc na karamihan ay beterano na ng Olympic Games at World Grand Prix.

“Iyong experience na na­kukuha namin dito, sobrang malaking bagay na sa amin na hinding-hindi na­min makakalimutan sa buhay namin. We’re happy with how the match turned out even if we ended up lo­sing,” wika ni PSL-Manila team captain Rachel Anne Daquis.

Inaasahang muling pa­mumunuan nina American Ste­phanie Niemer at Ukrainian Yevgeniya Nyu­khalova ang atake ng PSL-Manila katuwang ang kapwa reinforcements na sina American Lindsay Stalzer at Puerto Rican Lynda Morales.

Humataw si Niemer ng 13 points sa kanilang hu­ling laro at nagdagdag si Nyukhalova ng walong points.

Babawi rin ang local pla­yers partikular na si Jaja San­­tiago na nalimitahan sa tatlong puntos gayundin sina Mika Reyes, Jovelyn Gon­zaga, Frances Molina at setter Kim Fajardo.

Ngunit kinakailangan ng PSL-Manila ng malakas na puwersa dahil gigil ring makabawi ang Pomi, sasandal kina Samantha Fabris at Va­lentina Tirozzi, na ga­ling sa 17-25, 18-25, 15-25 kabiguan sa Eczacibasi Vitra.

Show comments