MANILA, Philippines – Ilang araw pa lang na nasa palad ng St. Clare College ang kampeonato ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU), pinaplano na ng Saints ang tangkang maisukbit ang back-to-back crown sa susunod na edisyon ng liga.
Mananatiling solido ang Saints dahil dalawang manlalaro lamang ang mawawala sa koponan ayon kay head coach Jino Manansala.
Tinalo ng St. Clare ang Our Lady of Fatima, 2-1 sa best-of-three championship series kabilang ang 64-62 pananaig sa rubber match.
“Ayaw naming isipin na tsamba ito,” ani Manansala na kasamang dumalo sina assistant Tonton Sangco, star player Aris Dionisio at St. Clare College top official Dr. Jay Adalem sa lingguhang PSA Forum.
“Dalawang players lang ang mawawala sa amin, pero may iba pang papasok na magagaling. Pinaghirapan namin ito, kaya sana tuluy-tuloy na yan,” ani Manansala.
Limang sunod na taon nang nasa finals ang Saints.
At aminado si Manansala na ito ang pinakamahirap na edisyong kanilang tinahak bago masungkit ang korona.
“Ito ang pinakamahirap. Ang daming di inaasahan na nangyari,” ani Manansala na anak ni dating PBA player Jimmy Manansala.
Magugunitang napatalsik sa laro si Manansala sa Game 3 ng semifinal showdown laban sa Lyceum of Subic Bay. Lumasap rin ito ng 45-64 demolisyon sa Game 2 ng finals laban sa Fatima.