MANILA, Philippines – Lalapit ang De La Salle University sa twice-to-beat incentive sa pakikipagtipan nito sa National University ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Green Archers at Bulldogs sa alas-4 habang lalarga ang duwelo ng University of the East at Ateneo sa alas-12 ng tanghali.
Wala pa ring bahid ang La Salle tangan ang 9-0 baraha upang awtomatikong masungkit ang unang silya sa Final Four.
Dalawang panalo na lamang ang kinakailangan nito para masiguro ang isa sa dalawang twice-to-beat card sa semis.
Gaya ng dati, matibay na sasandalan ng Green Archers si Cameroonian Ben Mbala na siyang nangungunang kandidato sa MVP race tangan ang averages na 20.71 points, 16.29 rebounds at 2.14 blocks kada laro.
Ngunit muling nadagdagan ang bangis ng La Salle dahil nakabalik na sa paglalaro si Jeron Teng na agad na nagpasiklab sa kanilang 78-72 panalo laban sa University of the Philippines noong Sabado.
Parang hindi galing sa operasyon si Teng nang humataw ito ng 21 puntos, limang rebounds, dalawang assists, dalawang steals at isang block.
“One game at a time. Gusto kong ibigay yung best ko dahil ilang games na lang akong maglalaro para sa La Salle kaya gusto kong makatulong sa abot ng makakaya ko,” ani Teng na nasa kanyang final year sa kampo ng Archers.
Nasa ikaapat na puwesto ang NU kasama ang Adamson hawak ang parehong 4-5 marka.