Caligdong balik-Azkals para sa Suzuki Cup
MANILA, Philippines - Balik-Azkals si Chieffy Caligdong.
Ngunit sa pagkakataong ito, bahagi ito ng coaching staff upang tulungan si American mentor Thomas Dooley na manduhan ang national team na naghahanda sa Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup na gaganapin sa susunod na buwan sa Philippine Sports Stadium sa Bulacan.
Sa katunayan, sinimulan na ni Caligdong ang kanyang tungkulin nang makasama ito sa friendly matches ng Azkals laban sa Bahrain at North Korea sa Rizal Memorial Football Stadium noong nakaraang linggo.
Huling nasilayan sa aksiyon si Caligdong noong 2012 edisyon ng Suzuki Cup kung saan magugunitang itinarak nito ang bukod-tanging goal ng Azkals para gulantangin ang Vietnam, 1-0 sa group stage na ginanap sa Rajamangala Stadium sa Bangkok, Thailand.
Ang naturang panalo ang muling nagdala sa Azkals sa semifinals.
“He (Caligdong) is a perfect fit. Chieffy used to be one of them while the younger players look up to and respect him as a former player so that is good for me. They are familiar with him. What the players cannot tell me directly they can certainly tell him,” ani Dooley.
Ikinatuwa rin ni Azkals skipper Phil Younghusband ang pagbabalik ni Caligdong na naging magkatropa sa kampanya ng Pilipinas sa Suzuki Cup noong 2010.
“Chieffy will be an asset for the Azkals because of his stature as a former player and the young players certainly look up to him,” wika ni Younghusband.
Bahagi ng trabaho ni Caligdong na matiyak ang mataas na kundisyon ng Azkals.
- Latest