Cone, Hodge pinagmulta ng PBA
MANILA, Philippines - Noong nakaraang Miyerkules sa Game Three ng 2016 PBA Governor’s Cup Finals nangyari ang paglalabas ng emosyon nina Barangay Ginebra head coach Tim Cone at Meralco forward Cliff Hodge.
Ngunit kahapon lamang sila pinatawan ng PBA Commissioner’s Office ng multang tig-P10,000.
Ang multa ni Cone ay dahil sa pagkondena nito sa nangyaring officiating, samantalang natawagan naman si Hodge ng flagrant foul 1 laban kay rookie guard Scottie Thompson.
Sa isang panayam ay sinabi ni Cone na naging mainit ang mata ng mga referees kay Ginebra guard Sol Mercado, tinawagan ng dalawang personal fouls sa first quarter sa kanyang pagbabantay kay Best Import Allen Durham.
Tuluyan nang nawala sa court si Mercado sa huling 38 segundo ng fourth quarter sa larong ipinanalo ng Bolts laban sa Gin Kings, 107-103.
Kaugnay nito, pinatawan din sina veteran Reynel Hugnatan at forward Kelly Nabong ng multang tig-P5,000.
Samantala, sa gitna ng mainit na paghahabol ng Meralco ay nagsalpak si Mercado ng isang mahalagang layup para ibigay sa Ginebra ang eight-point lead, 89-81, sa huling tatlong minuto ng laro sa kanilang 92-81 panalo laban sa Meralco sa Game Five noong Linggo.
Halos magwala ang bench ng Bolts dahil sa nasabing hindi itinawag na travelling violation kay Mercado.
Sinabi ni Cone, nasa kanyang pang-30 finals stint at target ang ika-19 titulo, na wala siyang dapat ihingi ng paumanhin sa Meralco.
Maaari nang tapusin ng Gin Kings ang kanilang serye ng Bolts sa pamamagitan ng panalo sa Game Six bukas.
- Latest