MANILA, Philippines - Pinangunahan ni World Cup veteran Lara Posadas ang four-player national team na kakatawan sa Pilipinas sa 2016 World Singles Bowling Championships na gaganapin sa Disyembre 2 hanggang 9 sa Doha, Qatar.
Makakasama ni Posadas sina Ivan Dominic Malig, Krizziah Tabora at Raoul Miranda.
Kasalukuyang naglalaro sina Miranda at Posadas sa prestihiyosong World Cup international finals sa Shanghai, China.
Nakuha nina Posadas at Tabora ang tiket sa women’s division matapos manguna sa 36-game, week-long elimination. Nakalikom si Posadas ng 7,074 pinfalls hawak ang average na 196.50 pinfalls para sa unang puwesto habang sumegunda si Tabora na may 7,061 (196.14 average).
Naghari naman si Malig sa men’s elimination bitbit ang 7,569 pinfalls mula sa average na 210.53 sa 36 games kasunod sa ikalawa si Miranda na may 7,421 (206.14 average).
May 19 bowlers ang lumahok sa eliminations nagtampok ng iba’t ibang oiling patterns--dalawang long oil, dalawang medium oil at dalawang short oil - na ginanap sa Coronado Lanes Center at Starmall EDSA sa Mandaluyong.
Si four-time World Cup international champion Paeng Nepomuceno ang kasalukuyang head coach ng Philippine team base sa rekomendasyon ng Philippine Bowling Federation.
Upang maging patas sa pagpili ng kinatawan sa world meet, ipinatupad ni Nepomuceno ang elimination kung saan lahat ng miyembro ng national team ang nagpartisipa.
Ang PBF na dating Philippine Bowling Congress ay pansamantalang hawak ni long-time sports official Steve Hontiveros.
Kasama sa PBF organizers sina Nepomuceno, ex-World Cup international titlist Bong Coo at sports patron Alex Lim.