Transformers nakabalik sa porma, Tigresses pinaamo

Lusot sa depensa nina Katherine Bersola at Marian Alisa Buitre ng UP ang kill ni Myla Pablo ng Pocari sa Shakey’s V-L Reinforced Conference.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Ibinuhos ng Bureau of Customs ang ngitngit nito sa University of Santo Tomas matapos itarak ang 25-17, 26-24, 25-15 panalo upang mahablot ang ikatlong panalo kagabi sa Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.

Mas solido ang galaw ng Transformers nang pagbidahan ni three-time UAAP MVP Alyssa Valdez ang attack line tangan ang 19 puntos na nabuo mula sa 15 kills, dalawang blocks at dalawang aces katuwang si Thai import Kanjana Kuthaisong na nagdagdag naman ng 16 hits.

Naglista naman ng pi­nagsamang 12 puntos sina Lilet Mabbayad at Rosemari Vargas habang muling nag­labas ng solidong laro si Thai setter Natthanicha Jaisaen na gumawa ng 44 excellent sets.

Sumulong ang Transformers sa 3-1 rekord para masolo ang ikalawang puwesto.

Sa ikalawang laro, nai­kabig ng Open Conference champion Pocari Sweat ang 25-20, 25-17, 25-23 panalo laban sa University of the Philippines para umangat sa 2-1 baraha.

Lumasap naman ang UP  ng ikatlong kabiguan sa apat na laro.

Sa Spikers’ Turf Season 2 Third Conference, nalusutan ng defending champion Cignal ang Champion Supra sa pamamagitan ng 25-18, 37-35, 23-25, 17-25, 15-12 desisyon para makuha ang ikalawang panalo sa tatlong laro.

Show comments