MANILA, Philippines – Nasawata ng La Salle ang matikas na kamada ng University of the Philippines, 78-72, upang masungkit ang unang tiket sa Final Four kahapon sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Engrande ang pagbabalik-aksiyon ni Jeron Teng na pumana ng 21 puntos, limang rebounds, dalawang assists, dalawang steals at isang block para tulungan ang Archers na mapanatili ang malinis na rekord tangan ang 9-0 marka.
“He’s (Teng) now 100 percent. We missed him in the past two games and we’re glad that he’s back running the team since our system is focused on him. He’s our leader in the team,” wika ni La Salle head coach Aldin Ayo.
Wala ring makapigil kay MVP top candidate Ben Mbala na muling bumira ng double-double na 17 puntos at 20 rebounds kasama ang dalawang steals, isang assist at isang block habang naglista si Thomas Torres ng 13 at tig-siyam naman sina rookies Aljun Melecio at Ricci Rivero.
Humugot naman ng lakas ang Fighting Maroons kina Paul Desiderio na nagposte ng 16, Jett Manuel na umiskor ng 13 at Javi Gomez De Liano na may 11 subalit hindi ito sapat para maputol ang two-game winning streak ng tropa at malaglag sa 3-7.
Ito ang pinakamababang shooting percentage ng La Salle matapos maisalpak ang 26 sa 77 pagtatangka o 33.77 porsiyento ngunit nakabawi naman ito sa rebounding, hatak ang 52 boards laban sa 39 lamang ng UP.
Kumabig din ang La Salle ng 26 puntos mula sa 33 turnovers ng UP.
Samantala, posibleng hindi na masilayan sa nalalabing laro ng NU si Matthew Aquino matapos mapaulat na idineklara ng korte na “ineligible” itong maglaro para sa Bulldogs dahil sa paglabag sa residency ruling ng UAAP.
Nauna nang nakahirit ng temporary restraining order si Aquino dahilan upang muli itong makabalik sa paglalaro bago tuluyang maglabas ng panibagong desisyon ang korte na nagsasabing may nilabag itong regulasyon ng liga.
Sa ikalawang laro, tinuldukan ng University of Santo Tomas ang six-game losing skid nito matapos sakmalin ang National University, 73-69 upang umangat sa 3-7 rekord.
Nagtulung-tulong sina Dean Lee, Louie Vigil at Jon Sheriff sa paglikom ng 61 puntos para muling buhayin ang Final Four bid ng Growling Tigers.
Gumapang sa 4-5 ang NU na humugot ng 20 puntos mula kay Matt Salem.
Samantala, nagdesisyon ang pamunuan ng UAAP na ikansela ang mga laro ngayong araw ng University of the East at Far Eastern University at ng Adamson University at Ateneo de Manila University sa The Arena sa San Juan City dahil sa bagyong Karen.
DLSU 78 – Teng 21, Mbala 17, Torres 13, Melecio 9, Rivero R 9, Rivero P 4, Montalbo 3, Caracut 2, Tratter 0.
UP 72 – Desiderio 16, Manuel 13, Gomez de Liano 11, Lim 8, Moralde 7, Harris 4, Prado 4, Lao 4, Espanola 3, Dario 2, Webb 0, Vito 0.
Quarterscores: 25-14, 41-34, 55-48, 78-72.
UST 73 – Lee 22, Vigil 20, Sherif 19, Faundo 4, Arana 2, Basibas 2, Lao 2, Subido 2, Afoakwa 0, de Guzman 0.
NU 69 – Salem 20, Aroga 13, Diputado 12, Gallego 8, Sinclair 8, Alejandro 3, Salim 3.
Quarterscores: 22-14, 34-all; 54-47; 73-69.