Yap dinala ng hotshots sa Elasto Painters kapalit ni Lee
MANILA, Philippines - Sinimulan niya ang kanyang PBA career sa Purefoods matapos hirangin bilang No. 2 overall pick ng PBA Rookie Draft noong 2004.
Matapos ang 12 taon at pitong PBA championship ay ibinigay kahapon ng Star si franchise player James Yap sa Rain or Shine bilang kapalit ni combo guard Paul Lee.
Ang nasabing deal ay inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Narvasa. Minsan nang napabalitang plano ng Hotshots na maghanap ng trade deal para sa 34-anyos na si Yap, hinirang na PBA Most Valuable Player noong 2006 at 2010.
Ang tubong Escalante City, Negros Occidental ay isang 12-time PBA All-Star at produkto ng University of the East Red Warriors sa UAAP katulad ni Lee.
Sa ilalim ni rookie coach Jason Webb ay nabigo ang Star na makapasok sa PBA Finals ng 2016 Philippine Cup, Commissioner’s Cup at Governor’s Cup kung saan nagtala si Yap ng career-low na 11.6 points bukod pa ang 2.9 rebounds 1.3 assists.
Nagposte ang 6-foot-3 na si Yap ng mga averages na 15.6 points, 4.2 rebounds at 1.5 assists sa kanyang 12 year career.
Makakasama ni Yap sa backcourt ng Rain or Shine ang outside sniper rin na si Jeff Chan at sina Jericho Cruz at Maverick Ahanmisi.
Bago mahugot ng Purefoods (ngayon ay Star) bilang No. 2 overall pick noong 2004 PBA Rookie Draft ay naglaro muna si Yap para sa Welcoat franchise sa Philippine Basketball League.
“He has come full circle with us,” wika ni Rain or Shine co-owner Raymund Yu kay Yap. “Hopefully he retires with the Rain or Shine franchise.”
Nagwakas naman ang five-year career ni Lee sa Elasto Painters na kanyang tinulungang maghari sa nakaraang 2016 PBA Commissioner’s Cup kung saan siya hinirang bilang Finals MVP.
Nagposte si Lee ng mga averages na 13.1 points, 3.7 rebounds at 3.2 assists sa kanyang paglalaro para sa Rain or Shine.
Samantala, ipinamigay rin ng Painters si veteran center JR Quiñahan sa Globalport Batang Pier bilang kapalit ni veteran forward Jay Washington.
Ito ang tumapos sa pamosong ‘Extra Rice’ tandem nina Quiñahan at Beau Belga sa frontline ng Rain or Shine, hahawakan ng dating assistant ni Guiao na si Caloy Garcia sa susunod na PBA season.
Hindi pumayag si Quiñahan sa alok na one-year contract ng Elasto Painters na kasalukuyang hinihikayat si Belga para lumagda sa isang three-year contract.
Si Quiñahan ay bahagi ng dalawang PBA championship ng Rain or Shine at kandidato para sa Most Improved Player matapos magposte ng mga averages na 11.7 points, 4.9 rebounds at 1.9 assists per game ngayong season.
- Latest