Mabilis na dinispatsa ng Petron ang All-Filipino titlist F2 Logistics, 25-17, 25-22, 25-19 para mahablot ang ikalawang sunod na panalo sa 2016 Philippine Superliga Grand Prix kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Hindi maawat si American import Stephanie Niemer na nagpasabog ng 21 puntos mula sa 15 attacks, apat na aces at dalawang blocks para sa Tri-Activ Spikers na sumulong sa solong pamumuno.
Halos pantay lang ang Petron at F2 Logistics sa attack line kung saan lumamang lamang ng isa ang Tri-Activ Spikers, 34-33.
Ngunit dinomina ng Petron ang service area matapos ilista ang 14 aces kumpara sa dalawa lamang ng Cargo Movers. May pitong blocks din ang Tri-Activ Spikers laban sa apat ng kanilang karibal.
Naglista naman si Frances Molina ng 12 markers tampok ang anim na aces habang may siyam si Aiza Maizo-Pontillas at walo naman si 6-foot-5 Serena Warner.
“It’s our passing that breaks us a little bit but I think we just need more practice and get a little better with that and I’m pretty confident that we can fix that quickly,” wika ni Niemer na bahagi rin ng PSL-Manila na sasabak sa FIVB Women’s World Club Championship sa Oktubre 18 hanggang 23 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tila napamahal na agad ito sa Pilipinas dahil sa mainit na pagtanggap ng kanyang mga katropa gayundin ng mga Pinoy fans na dumudumog sa kanya sa bawat laro.
Gumulong sa 0-2 panimula ang Cargo Movers na kumuha lamang ng siyam na puntos mula kay import Sydney Kemper at walo naman galing kay skipper Cha Cruz.
Pansamantalag magpapahinga ang Grand Prix upang bigyang daan ang pagtataguyod ng bansa ng FIVB Women’s World Club Championship.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Nobyembre 3 tampok ang bakbakan ng F2 Logistics at Cignal sa alas-3, Foton at Generika sa alas-5 at ng RC Cola-Army at Petron sa alas-7 sa parehong venue.