MANILA, Philippines – Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon ang Gilas Pilipinas matapos yumuko sa Jordan sa iskor na 105-119 kahapon sa 2016 FIBA Asia Challenge na ginaganap sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran.
Nanguna si dating Ateneo standout Von Pessumal para sa Gilas nang dumagit ito ng 30 puntos at dalawang assists habang nagdagdag si dating Far Eastern University mainstay Mike Tolomia ng 19 markers at limang rebounds.
Nagdagdag naman si Mac Belo ng 17 puntos at anim na boards gayundin sina CJ Perez ng 10 puntos, tatlong rebounds at tatlong assists subalit kapos pa rin ito para makuha ng Pinoy squad ang panalo.
Nangibabaw para sa Jordan si Darquavis Tucker na may 37 puntos mula sa 10-of-15 shooting clip habang nakasiguro rin ang koponan ng 26 puntos at 13 rebounds mula kay Mohammad Hussein at 21 galing kay Mousa Alawadi.
Dominado ng Jordan ang rebounding matapos humatak ng 55 boards kumpara sa 39 lamang ng Gilas. Mataas din ang porsiyento ng Jordan sa shooting tangan ang 48.6 percent o 36-of-74 performance.
Tinapos ng Gilas ang group stage hawak ang 1-4 baraha habang umusad sa quarterfinals ang Jordan na may 4-1 marka kasama ang China (3-1), Chinese-Taipei (3-1) at India (2-2).
Bigo ang Gilas na mapantayan ang third-place finish ng bansa noong 2014 edisyon na ginanap sa Wuhan, China.