PCU pinatahimik ang RTU

MANILA, Philippines – Naisalpak ni Fidel Castro ang game-winning three-pointer sa huling sandali ng laro para dalhin ang Philippine Christian University sa makapigil-hiningang 71-70 panalo laban sa Rizal Technological University kahapon sa 16th NAASCU men’s basketball tournament sa RTU gym sa Mandaluyong City.

Tinuldukan ni Castro ang gitgitang laban nang ibato nito ang umaatikabong tres may 1.3 segundo pang nalalabi para makuha ng Dolphins ang ikaanim na panalo sa siyam na laro.

Maliban kay Castro, naasahan din ng Dolphins si Jon Von Tambeling na bumanat ng 30 puntos gayundin si Mike Ayonayon na nagdagdag naman ng 13 puntos.

Umiskor si Kerr Bangeles ng 15 puntos para sa Blue Thunder samantalang nagdagdag si Cyrus Tabi ng 13 puntos at Paulo Tilos ng 10.

Bagsak naman ang RTU sa 6-4 baraha.

Nakabalik naman sa porma ang New Era University nang pasadsarin nito ang EARIST sa pamamagitan ng 81-74 panalo.

Sumulong ang Hunters na hawak ni coach Adonis Tierra sa 2-7 rekord.

Nakakuha ang New Era ng 21 puntos mula kay Nemesis Dela Cruz habang umariba si Richard Velchez ng 18 samantalang nakakuha sina Aj Ramos ng 13 at Clyde Reyes ng 11.

Nagsanib-puwersa sina Andreas Cahilig at Dan Natividad tangan ang 43 puntos para sa EARIST.

Namayani rin ang Our Lady of Fatima laban naman sa De Ocampo Memorial College, 100-82, kung saan bumira si Jerome Juanico ng 18 puntos.

Show comments