MANILA, Philippines – Sinagasaan ng Foton Pilipinas ang Kwai Tsing ng Hong Kong matapos iratsada ang 25-20, 25-14, 25-10 panalo sa pagsisimula ng 2016 AVC Asian Women’s Club Championship kahapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan City, Laguna.
Naasahan ng husto sina Jaja Santiago, Jovelyn Gonzaga at Aby Maraño para pamunuan ang Tornadoes sa pambuenamanong panalo sa torneong inorganisa ng Philippine Superliga at Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc.
Nakahugot ang 6-foot-5 na si Santiago ng pitong attacks, apat na blocks at isang ace habang nag-ambag sina Gonzaga at Maraño ng tig-11 puntos at walong puntos, ayon sa pagkakasunod.
“We were shaky at first. But in the latter part, we got our game back and we pressured them to commit some errors. It was a good game,” ani Gonzaga.
Sa kabila ng panalo, tiwala si Foton Pilipinas coach Fabio Menta na may mas malakas pang puwersa na kayang ibuga ang kanyang bataan.
Hindi pa masyadong nakakaagapay sina guest players Gonzaga, Maraño at Jen Reyes gayundin sina imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher sa kanyang sistema kaya’t inaasahang magpapasabog ng mas malakas na bomba ang Tornadoes sa oras na maging solido ang kanilang galaw.
Tanging pitong puntos lamang ang nagawa ni skipper Man Lee Cheung para sa Hong Kong.
Makakasagupa ng Tornadoes ngayong araw ang mapanganib na Thongtin Lienvietpost Bank ng Vietnam sa alas-2.
Pasok din sa win column ang Taichung Bank ng Chinese Taipei na nagtala ng 25-15, 25-22, 25-21 panalo laban sa Malaysia.