MANILA, Philippines - Bagama’t pawang open forum lamang ang nangyari sa unang araw ng two-day consultative meeting kahapon ay kumpiyansa naman si Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz na tamang direksyon ang binabagtas ng Philippine Sports Commission.
“Ito na ‘yung sinasabi nating gumagawa na tayo ng steps towards changes sa Philippine sports para na rin sa henerasyon ng mga bagong atleta,” sabi ng 25-anyos na Pinay weightlifter sa pulong na ginawa sa Century Park Sheraton Hotel sa Malate, Manila.
Nanguna sa consultative meeting sina PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, Philippine Olympic Committee president Jose ‘Peping’ Cojuangco Jr., IOC representative to the Philippines Mikee Cojuangco-Jaworski at sina Congressmen Mikee Romero, Conrado Estrella III at Mark Aeron Sambar.
Isinulong ng grupo nina Romero, Estrella at Sambar ang pagkakaroon ng Department of Sports, ang papalit sa PSC, kung saan ang Secretary nito ay makakasama sa Gabinete.
Layunin ng pagpupulong na makuha ang mga sentimiyento at opinyon ng mga sports stakeholders para sa pormulasyon ng six-year program na sasagip sa naghihingalong estado ng Philippine sports.
“We pinpoint and address the major issues that will confront us in the next six years,’’ ani Ramirez, personal na binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng direktiba na ayusin ang Philippine sports sa loob ng anim na taon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Master Plan.
Layunin ni Ramirez na buhayin ang Philippine Sports Institute na inilunsad ni dating PSC chief Philip Ella Juico.
Isa naman si dating Sen. Nikki Coseteng na naglabas ng kanyang hinanakit sa dating liderato ng PSC at sa swimming association na kinikilala ng POC.
Kaagad naman siyang nilapitan ni Ramirez at kinausap para tugunan ang kanyang mga hinaing.
Matapos ang pagpupulong ay isang national consultative meeting ang itinakda sa Setyembre 22 at 23 sa Philsports Arena sa Pasig City na dadaluhan ng 753 opisyales na kumakatawan sa 83 probinsya, 141 siyudad at 491 munisipalidad, 19 Department of Education regional directors at 19 Department of Interior and Local Government regional directors.