MANILA, Philippines - Posibleng gawing satellite venue ang Davao City at Davao del Norte sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa Pilipinas.
Ito ang suhestiyon ni Philippine Olympic Committee president Jose “Peping” Cojuangco sa kanyang pakikipag-usap kay bagong-talagang Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ramirez.
Naniniwala si Cojuangco na magandang pagkakataon ito upang lubos pang makilala ang probinsiya na siyang pinagmulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung pag-uusapan ang sports tourism.
Idinaos ang Palarong Pambansa noong nakaraang taon sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex kaya’t mayroon na itong mga pasilidad na maaaring gamitin at mangangailangan na lamang ng mga karagdagang ipapatayong venues.
Magandang lugar din ang Davao dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran dito para sa seguridad ng mga foreign participants mula sa Southeast Asian region na dadalo sa SEA Games.
Nais din ni Cojuangco na magkaroon ng training center sa Davao na siyang magiging training venue at tahanan ng mahuhusay na atleta at coaches sa naturang rehiyon.
Inimbitahan ng POC chief si Ramirez na dumalo sa SEA Games Federation Council meeting na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Hulyo 12-14 upang mailatag ang suportang ibibigay ng gobyerno sa pagtataguyod ng bansa ng 2019 Games.
Nagsilbi nang deputy chef de mission si Ramirez noong 2005 Manila SEAG kung saan itinanghal na overall champion ang Pilipinas tangan ang 113 gintong medalya.