MANILA, Philippines - Asahan ang matinding pukpukan tampok ang pinakamahuhusay na balibolista sa bansa sa paglarga ng Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Sabado sa The Arena sa San Juan City.
Nangunguna sa listahan ang three-time champion RC Cola-Army na magpaparada ng pinakasolidong lineup sa liga tampok sina Rachel Anne Daquis, Honey Royse Tubino, Jovelyn Gonzaga, Nerissa Bautista, Michelle Carolino at Tina Salak.
Galing ang RC Cola-Army sa kampeonato sa PSL Invitational Conference kung saan tinalo nito ang Est Cola-Thailand sa finals habang nagkampeon din sina Gonzaga at Bautista kamakailan sa PSL Challenge Cup beach volleyball tournament.
Kaya’t desidido ang pito pang koponang kalahok na bigyan ng magandang laban ang Lady Troopers partikular na ang F2 Logistics, Petron, Cignal at Foton na handang hubaran ng korona ang RC Cola-Army.
Lalarga rin ang Generika, Standard Insurance-Navy at Amy’s Kitchen-Perpetual.
Ang Cargo Movers ay binubuo ng La Salle team kasama si Ara Galang na top overall pick sa PSL Annual Rookie Draft.
Makakatuwang nito sina Aby Maraño, Cha Cruz, Paneng Mercado at Danika Gendrauli.
Nananatili namang malakas ang Tri-Activ Spikers sa kabila ng pagkawala nina Maraño at Daquis na nasa ibang koponan na at nina Dindin Manabat at Fille Cayetano na parehong nagdadalang-tao.
Nariyan pa rin sina Aiza Maizo-Pontillas, Bang Pineda, Cherry Nunag, Ces Molina, Maica Morada, Mina Aganon at Jen Reyes kasama si second overall pick at NCAA MVP Christine Joey Rosario.