MANILA, Philippines – Ngayon pa lamang ay nagparamdam na si Olympic sprint champion Usain Bolt ng kanyang puwersa laban sa mga makakalaban niya sa Rio Games.
Ito ay matapos pagharian ni Bolt ang 100 meters event sa bilis na 9.88 segundo matapos ang muntik nang pagkakatumba sa Racers Grand Prix sa Kingston.
Ang nasabing oras ni Bolt ang ikalawang pinakamabilis ngayong taon matapos ang 9.86 segundo ni Frenchman Jimmy Vicaut.
Ipinoste ng six-time Olympic champion ang nasabing tiyempo laban sa mga bigating sina Yohan Blake at Asafa Powell.
“I’m happy I got a season best. It was not a perfect race but I was able to win,” sabi ni Bolt matapos ang karera.
Si Bolt ay sinundan nina Nickel Ashmeade at Blake na tumapos sa ikalawa at ikatlong puwesto sa magkatulad nilang 9.94 segundo, habang pumang-apat si Powell sa oras na 9.98 segundo.
Samantala, nagreyna naman si two-time defending Olympic champion Shelly-Ann Fraser Pryce sa women’s race sa kanyang 11.09 segundo