Blustar Detergent sasalang na sa aksyon vs Tanduay solong liderato asam ng Phoenix
MANILA, Philippines – Pakay ng Aspirants’ Cup champion Phoenix na masolo ang liderato sa kanilang pagharap laban sa AMA Online Education sa pagpapatuloy ng 2016 PBA D-League Foundation Cup ngayong hapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sasagupain ng Accelerators ang Titans sa alas-2 habang sisimulan ng Blustar Detergent ang kampanya nito sa pakikipagtuos sa Tanduay sa tampok na laro sa alas-4.
Magkasalo ang Phoenix at Cafe France sa unahan ng standings bitbit ang parehong 2-0 rekord kabuntot sa ikalawa ang Racal at Tanduay na may magkatulad na 1-1 baraha.
Parehong wala pang panalo ang AMA at Mindanao sa kanilang dalawang pagsalang.
Umaasa si Phoenix coach Eric Gonzales na mapapanatili ng kanyang bataan ang mataas na lebel ng laro.
Walang puwang ang pagiging kumpiyansa sa Accelerators laban sa Titans na gutom na makuha ang kanilang unang panalo.
“Binabantayan namin yan every quarter, every possession, kailangan maging consistent kami. Sa last two games kasi, hindi ko pa nakikita yun sa mga bata,” wika ni Gonzales.
May pagkakataon na mabagal ang panimula ng Accelerators gaya ng kanilang huling laban kontra sa Topstar ZC Mindanao kung saan agad itong nalugmpok sa 0-11 sa pagsisimula ng laro.
Subalit malalim ang karanasan ng Phoenix kaya’t nagawa nitong makabangon at makuha ang 108-78 panalo.
Kaya patuloy ang paalala ni Gonzales sa kanyang tropa na huwag maging kumpiyansa anumang koponan ang kanilang kaharap.
“Kailangan pa rin naming respetuhin ang kalaban kasi hindi madali lahat ng magiging laro namin,” dagdag ni Gonzales.
Malakas na puwersa ang ilalatag ng Accelerators sa pangunguna ng beteranong sina Mac Belo, Ed Daquioag at Mike Tolomia.
Sa kabilang banda, ang Blustar Detergent na ginagabayan ni coach Goh Cheng Huat ay pamumunuan ni dating Ateneo standout Juami Tiongson kasama ang ilang Malaysian players.
- Latest