200 bagitong tankers handa nang sumisid sa 96th PSL Nat’l Series
MANILA, Philippines - Mahigit 200 bagitong tankers ang nagkumpirma ng partisipasyon sa 96th Philippine Swimming League (PSL) National Series Novice and Motivational Meet na lalarga ngayong umaga sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
Darating ang mga kinatawan ng Cavite, Bulacan, Laguna, Aklan, Cebu, Mindoro at mga pambato ng National Capital Region upang magtagisan sa torneong magsisilbing qualifying para sa ilang international competitions.
Unang lalarga ang 100m Individual Medley, 50m butterfly, 50m backstroke, 50m breaststroke at 50m freestyle para sa motivational habang sunod na aarangkada ang 25m butterfly, 25m backstroke, 25m breaststroke, 25m breaststroke (with kickboard), 25m freestyle at 25m freestyle (with kickboard) events para naman sa novice category.
Pinaghahandaan ng PSL ang pagsabak nito sa dalawang malalaking torneo - ang SICC Invitational Swimming Championship na gaganapin sa Agosto sa Singapore at ang 2016 SSC Midget Meet Swimming Competition na idaraos naman sa Setyembre sa Singapore.
Kaya naman nais ni PSL President Susan Papa na makapili na ngayon pa lamang ng mga mahuhusay na swimmers na hahasain para sa dalawang kumpetisyon sa Singapore.
“We want to pick swimmers as early as possible. We already have a number of swimmers who qualified in our previous competitions but we are still opening the doors to other potential swimmers,” wika ni Papa. (CCo)
- Latest