MANILA, Philippines - Nais matiyak ng Philippine Superliga (PSL) ang matagumpay na pagtataguyod ng bansa ng prestihiyosong FIVB World Women’s Club Championship na idaraos mula Oktubre 18 hanggang 23.
Kaya naman, itinalaga ng pamunuan ng PSL si Sen. Alan Peter Cayetano bilang honorary chairman na nangako ng todong suporta upang matiyak na nasa tamang direksiyon ang lahat ng mga kakailanganin.
Hihilingin ni Cayetano kay President-elect Rodrigo Duterte na maglabas ng executive order upang atasan ang Philippine Sports Commission (PSC), Department of Tourism, Department of Health, Philippine National Police, Metro Manila Development Authority at Bureau of Immigration na makipagtulungan sa mga organizers.
Gusto rin ni Cayetano na imbitahan si Duterte bilang guest speaker sa naturang world meet na dadaluhan ng walong matitikas na bansa kabilang na ang All-Star team ng PSL na binubuo ng anim na local players at anim na foreign reinforcement.
“This is such a prestigious event. The world will be watching as we open our doors to eight of the world’s best club teams. Rest assured that the government will throw its full support behind this exciting endeavor,” ani Cayetano.
Maliban sa PSL All-Star Team, kumpirmado na rin ang pasabak ng South American powerhouse Rexona Ades ng Brazil, Bangkok Glass ng Thailand at Pomi Casalmaggiore ng Italy.
Apat pang foreign teams ang inaasahang papangalanan ng FIVB sa mga susunod na buwan.
Darating din sa bansa si International Volleyball Federation (FIVB) president Ary Graca kasama ang ilan pang kilalang personalidad sa mundo ng balibol.
Maugong rin ang balitang nais imbitahan ng PSL ang Brazilian super star na si Leila Barros subalit wala pang katiyakan kung maaayos ang kasunduan upang maisakatuparan ang pagbabalik nito sa Pilipinas.
Nakilala ng husto si Barros noong 1999-2000 edisyon ng FIVB World Grand Prix na ginanap sa bansa.