Accelerators sinilaban ang Aguilas
Laro sa Lunes
(JCSGO Gym)
2pm AMA vs Phoenix
4pm Blustar vs Tanduay
MANILA, Philippines - Inilampaso ng Aspirants’ Cup champion Phoenix ang Topstar ZC Mindanao, 108-78, upang masikwat ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa 2016 PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Bitbit ang kanilang magandang karanasan sa SEABA Stankovic Cup, matikas na nasandalan ng Accelerators sina Mac Belo at Mike Tolomia upang manatiling malinis ang kanilang rekord bitbit ang 2-0 marka.
Humataw ng 25 puntos si Belo habang nakalikom ng 22 markers si Tolomia para pigilan ng Phoenix ang mainit na ratsada ng Aguilas na umiskor pa ng 11-0 run sa pagsisimula ng bakbakan.
“Kailangan naming maging consistent. Yun ang parati naming paalala sa mga players. Hindi kami pwedeng maging kumpiyansa dahil lahat ng teams sa league, lalaban para manalo kaya we always remind them to give their best,” pahayag ni Phoenix head coach Eric Gonzales.
Naasahan din si Ed Daquioag na gumawa ng 16 puntos gayundin sina Roger Pogoy at Jens Knuttel na nagdagdag naman ng parehong 10 puntos sa panig ng Accelerators.
“Thankful ako dahil binibigyan ako ng kumpiyansa ng coaching staff. Tira lang nang tira para makuha ko yung rhythm ko, yun ang sabi nila sa akin,” wika ni Belo na siyang Finals MVP sa UAAP Season 78.
Hindi pa rin makalipad ang Aguilas na bumagsak sa 0-2 panimula.
Nanguna para sa Topstar si Jul-Ashri Ignacio na tumipa ng 14 puntos gayundin sina JR Ongteco at Roider Cabrera na may pinagsamang 22 puntos.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Lunes sa parehong venue kung saan puntirya ng Accelerators na masungkit ang ikatlong dikit na panalo sa pakikipagtipan sa AMA Onlie Education sa alas-2 ng hapon.
Phoenix 108 - Belo 25, Tolomia 22, Daquioag 16, Knuttel 10, Pogoy 10, Inigo 7, Escoto 5, Jamito 5, Pascual 4, Batino 2, Mendoza 2, Andrada 0, Tamsi 0.
Topstar ZC Mindanao 78-- Ignacio 14, Ongteco 12, Cabrera 10, Jumao-as 9, Rivera 7, Tano 7, Cawaling 6, Garcia 5, Julkipli 3, Rono 3, Sarangay 2, Argamino 0, Dadjilul 0.
Quarters: 22-27, 51-41, 75-65, 108-78.
- Latest