MANILA, Philippines – Pagkakataon naman ng mga baguhang tankers na ipamalas ang kanilang husay sa paglarga ng 96th Philippine Swimming League (PSL) National Series Novice and Motivational Meet sa Sabado sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
Layunin ng kumpetisyon na makatuklas ng mga swimmers na may potensiyal at posibleng ipadala sa mga international competitions sa Singapore, Thailand, Australia at Japan.
“This time, we will select outstanding swimmers who could probably represent our country in international competitions. Lahat ng swimmers nag-umpisa sa novice and motivational and we’re hoping na makakuha kami this time ng magagaling na swimmers,” wika ni PSL President Susan Papa.
Gagawaran ng medalya ang mga mangunguna sa bawat dibisyon habang bibigyan ng Most Outstanding Swimmer award ang mga swimmers na makakakuha ng pinakamataas na puntos sa bawat kategorya.
Paglalabanan ang gintong medalya sa 100m Individual Medley, 50m butterfly, 50m backstroke, 50m breaststroke at 50m freestyle sa motivational habang lalarga ang 25m butterfly, 25m backstroke, 25m breaststroke, 25m breaststroke (with kickboard), 25m freestyle at 25m freestyle (with kickboard) events sa novice category.
Kabilang sa mga torneong lalahukan ng PSL ang SICC Invitational Swimming Championship na gaganapin sa Agosto sa Singapore at ang 2016 SSC Midget Meet Swimming Competition na idaraos naman sa Setyembre sa Singapore.