OAKLAND, California - Apat na panalo sa NBA Finals ang dapat makuha ng Golden State Warriors para makamit ang pinapangarap na ikalawang sunod na kampeonato.
“Now we’re four wins away from our goal, and that’s a pretty special accomplishment,” sabi ni Stephen Curry matapos wakasan ng kanyang Golden State Warriors ang Western Conference finals sa pagsibak sa Oklahoma City Thunder sa Game 7.
Nakabalik sa kanyang porma ang NBA MVP at tila nalampasan ang kanyang ankle at right knee sprain na nagpaupo sa kanya ng ilang laro sa playoffs at maski ang bukol sa siko matapos mag-dive sa stands.
Tinulungan ni Curry ang 73-win Warriors pabalik sa NBA Finals para sa hangaring makamit ang ikalawang sunod na korona.
Ang back-to-back NBA championship ay nasa isip na ng Golden State simula sa Day 1 maski na kinailangan nilang makaresbak mula sa 1-3 deficit sa Thunder.
Sinabi ni Curry na may isa pang hakbang para magkaroon ng saysay ang kanilang record-setting season. “I feel joy, for sure,” wika ni Curry.
Ang 28-anyos na global superstar ang naging unang unanimous MVP sa league history at unang player na nagsalpak ng 300 three-pointers sa isang season para sa kanyang 402 triples bago nagkaroon ng mga injuries.