Matapos manalo kay Garcia, Nietes gustong isunod si Estrada
MANILA, Philippines – Mas malalaking pangalan at bigating boksingero ang nais makalaban ni reigning World Boxing Organization (WBO) junior flyweight champion Donnie Nietes sa kanyang susunod na laban.
Ito ang inihayag ni Nietes matapos ang kanyang matamis na fifth-round technical knockout win laban kay Mexican Raul Garcia sa labang ginanap sa Bacolod City.
Tinukoy ni Nietes sa isa sa nais nitong makaharap si Mexican Juan Francisco Estrada na siyang tumalo sa limang Pinoy--Rommel Asenjo, Joebert Alvarez, Richie Mepranum, Milan Melindo at Ardin Diale – sa kanyang mga nakalipas na laban.
Hawak ni Estrada ang World Boxing Association super flyweight title na kanyang matagumpay na naipagtanggol noong Setyembre laban sa kababayang si Hernan Marquez.
Ngunit nakasalalay pa rin aniya ang kanyang mga susunod na laban sa kamay ng kanyang kampo kung saan nakalinya ang mandatory defense sa Setyembre laban kay Moises Fuentes na gaganapin sa Amerika.
Kung mananalo ito kay Fuentes, posibleng matuloy ang sinasabi nitong pakikipagtipan kay Estrada.
Malakas ang tsansa ni Nietes na manalo kay Fuentes dahil dalawang beses nang nakaharap ng Pinoy champion ang huli.
Noong 2013, nauwi sa draw ang kanilang laban subalit isang impresibong ninth round technical win ang inilatag ni Nietes noong 2014.
Ngunit bago ang susunod na laban, nais munang namnamin ni Nietes ang kanyang panalo kay Garcia bago sumalang sa panibagong training upang paghandaan ang kanyang laban kay Fuentes.
- Latest