Gonzaga-Bautista tandem reyna ng Challenge Cup

Sinubukan ni Jovelyn Gonzaga ng RC Cola-Army A na habulin ang bola sa kanilang championship game ng Foton para sa PSL Challenge Cup.

MANILA, Philippines – Naitakas nina Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista ng RC Cola-Army ang pahirapang 21-19, 18-21, 15-13 panalo laban kina Cherry Ann Rondina at Patty Orendain upang tanghaling reyna ng Philippine Superliga Beach Volleyball Challenge Cup kagabi sa Mall of Asia Sands by the Bay sa Pasay City.

Matinding pagsubok ang pinagdaanan nina Gon­za­ga at Bautista matapos maglunsad ng puwersa sina Rondina at Orendain sa second set upang maitabla ang laban.

Subalit mas lumutang ang malalim na karanasan ng Lady Troopers para ma­lusutan ang matikas na hamong inilatag nina Rondina at Orendain.

Umusad sa finals si­na Gonzaga at Bautista matapos payukuin sina Bang Pineda at Aiza Maizo-Pontillas ng Pet­ron XCS, 16-21, 21-13, 16-14, sa unang semis match, ha­bang namayani sina Ron­dina at Orendain kina Ber­nadeth Pons at Kyla Atienza ng Far Eastern University-Petron, 15-21, 21-13, 15-11, sa ikalawang semis game.

Nasungkit nina Pons at Atienza ang ikatlong puwesto bunsod ng 21-12, 21-13 panalo laban kina Maizo-Pontillas at Pineda sa kanilang third-place match.

Sa men’s division, du­ma­an din sa butas ng kara­yom sina Madsairi Bur-amin at Roldan Medino ng Philippine Navy-A bago kubrahin ang pukpukang 21-13, 11-21, 18-16 panalo laban kina Kris Roy Guzman at Anthony Arbasto ng Team Volleyball Manila tungo sa matamis na pagkopo sa kampeonato.

Nakapasok sa finals si­na Bur-amin at Medino nang gapiin sina Joel Cabayan at Franco Camcam ng FEU-A.

 

Show comments