MANILA, Philippines – Irerespeto ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) anuman ang maging desisyon ni eight-division world boxing champion Manny Pacquiao sa posibilidad na maglaro sa 2016 Rio Olympic Games.
Nakatakda sa Biyernes ang deadline upang isumite ang listahan ng mga boksingerong ipadadala ng ABAP sa AIBA World Championship na gaganapin sa Baku, Azerbaijan at magsisilbing huling Olympic qualifying tournament.
Ayon kay ABAP president Ricky Vargas, marami nang naibigay na karangalan sa bansa si Pacquiao kaya’t wala na itong dapat pang patunayan pa. Hindi mababawasan ang kaniyang ningning at respeto ng sambayanan sakaling magdesisyon itong huwag nang lumahok sa Rio Games.
“Sen. Pacquiao has already given so much pride to the Filipino and our country, We, as a people, are grateful. Just his presence watching our boxers fight in the Rio Olympics is already a great honor and an inspiration to our boxers,” ani Vargas.
Gayunpaman, bukas na bukas pa rin ang pintuan ng ABAP sakaling pumayag si Pacquiao na lumaban. Walang kalinawan kung daraan din sa Olympic qualifying si Pacquiao o bibigyan ito ng awtomatikong silya sa Rio Games sa pamamagitan ng wild card.
Noong nakaraang taon sa World Championship, personal na inimbitahan ni AIBA president Dr. Ching-Kuo Wu si Pacquiao na lumaban sa Rio Olympics matapos buksan ng AIBA ang pintuan sa mga professional boxers na makalaro sa quadrennial meet.
Nagdesisyon si Pacquiao na magretiro na matapos ang kaniyang unanimous decision win kay American Timothy Bradley noong Abril subalit bukas ang Pinoy champion na magbalik sa ring upang muling bigyan ng karangalan ang bansa.
“He is most welcome if he does decide. If not, we invite him to watch our boxers fight in Rio to inspire and cheer them on,” ani Vargas.