Kiamco kampeon sa New Orleans 8-Ball
MANILA, Philippines – Nasungkit ni Guangzhou Asian Games silver medalist Warren Kiamco ang kanyang unang titulo sa taong ito matapos pagharian ang 2016 New Orleans 8-Ball Open na ginanap sa Buffalos Billiards sa Louisiana, USA.
Kinailangan ni Kiamco na bumangon mula sa pagkakalugmok bago itakas ang makapigil-hiningang 7-6 panalo laban sa Amerikanong si Daniel McKenney sa championship round.
Isang rack na lamang ang kailangan ni McKenney upang makuha ang korona tangan ang 6-4 kalamangan.
Subalit hindi nawalan ng pag-asa si Kiamco nang ilatag nito ang kanilang malakas na break kasunod ang suwabeng pagtumbok upang linisin ang tatlong sunod na racks tungo sa impresibong come-from-behind win.
Napasakamay ni Kiamco ang $2,375 premyo habang nagkasya sa $1,425 konsolasyon si McKenney.
Umabante sa finals si Kiamco nang gapiin nito si Ronnie Wiseman ng Amerika sa unang semifinal match ng torneong nagpatupad ng double-elimination format.
Naisaayos naman ni McKenney ang pakikipagtuos kay Kiamco nang patalsikin nito sina Wiseman at Jeremy Jones sa losers’ bracket.
Tinuldukan ni Kiamco ang kanyang pagkauhaw sa titulo sa taong ito matapos ang 10 ulit na pagtatangka sa mga nakalipas na torneo.
Pumangatlo lamang ito sa 2016 Andy Mercer Memorial Championship noong Marso habang ikaapat sa Sidepocket’s 9-Ball Open noong Pebrero --na parehong torneong pinagharian ni dating world champion Dennis Orcollo.
Samantala, sasalang naman sina Orcollo, Alex Pagulayan at Efren “Bata” Reyes sa Professional One-Pocket Invitational Championship na gaganapin din sa Buffalos Billiards sa Louisiana.
- Latest