Green iwas suspension, pero magmumulta

NEW YORK - Nakaligtas si Golden State Warriors forward Draymond Green sa suspensyon matapos ang pagsipa sa maselang bahagi ng katawan ni Oklahoma City Thunder center Steven Adams sa Game 3.

Dahil sa naturang ginawa ni Green ay pinagmulta naman siya ng NBA ng $25,000.

“After a thorough investigation that included review of all available video angles and interviews with the players involved and the officials working the game, we have determined that Green’s foul was unnecessary and excessive and warranted the upgrade and fine,” wika ni NBA Executive Vice President of Basketball Operations Kiki VanDeWeghe sa isang statement.

Itinaas din ng NBA ang foul ni Green sa flagrant 2 na dapat sana ay nagresulta sa isang automatic ejection kung maaga itong nadesis­yunan ng mga opisyales.

Dahil sa pagkakaligtas sa suspensyon ay magla­laro si Green sa Game 4 sa paghahangad ng Warriors na maitabla sa 2-2 ang kanilang Western Confe­rence finals series ng Thunder.

Tinawagan si Green ng flagrant 1 foul nang sipain si Adams matapos siyang bigyan ng foul sa 5:57 minuto sa second quarter.

Sinabi ng Thunder na ito ay sinadya ni Green, ngunit umasa naman si Green at si Warriors coach Steve Kerr na babawiin ng mga refe­rees ang itinawag na flagrant foul 1. Si Green ay mayroon ngayong tatlong flagrant foul points sa postseason.

Show comments