Lady Troopers naka-pokus sa back-to-back

MANILA, Philippines – Walong koponan ang kumpirmadong sasabak sa 2016 Philippine Superliga All-Filipino Conference na magsisimula sa Hunyo 18.

Nangunguna sa lista­han ang four-time champion RC Cola-Army gayundin ang nagdedepensang Petron Tri-Activ Spikers.

Sasalang din ang Grand Prix champion Foton gayundin ang Cignal, Generika, Standard Insu­rance-Navy, F2 Logistics at New San Jose Builders.

Pakay ng Lady Troo­pers na masundan ang kanilang mainit na ratsada matapos pagreynahan ang PSL Invitational Confe­rence kung saan ginulantang nito ang powerhouse Est Cola na mula sa Thailand sa championship round.

Mamanduhan ang RC Cola-Army ng bete­ranang sina Tina Salak, Joan Bunag, Honey Royse Tubino, Nene Bautista, Michelle Carolino, Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga.

Iba ang magiging muk­ha ng Petron sa pagkakataong ito dahil hindi na kasama si middle blocker Dindin Santiago na kasalukuyang nagdadalang-tao.

Muling sasandalan ng Tri-Activ Spikers si da­ting University of Santo Tomas standout Aiza Maizo-Pontillas kasama sina Christine Joy Rosario, Maica Morada, Grace Masangkay, Frances Molina at Jen Reyes.

Nakatakda ang PSL Rookie Draft sa Mayo 27 kung saan inaasahang lalahok ang pinakamahuhusay na manlalaro mula sa University Athletic Association of the Philippines at National Collegiate Athletic Association.

Inaabangan na kung lalahok sa draft sina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez ng Ateneo de Manila University at dating UAAP  MVP Ara Galang ng La Salle.

 

Show comments