MANILA, Philippines – Nais ng Caida Tile na engrandeng tapusin ang kampanya nito sa eliminasyon sa kanilang pagharap laban sa BDO-National University ngayong hapon sa 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup sa The Arena sa San Juan City.
Maghaharap ang Caida at BDO-NU sa alas-4 habang nakatakda rin ang salpukan ng Phoenix-FEU at Mindanao sa alas-2.
Dumaan sa pagsubok ang Tile Masters nang mahirapan itong pataubin ang Mindanao Aguilas, 95-87, kaya’t walang puwang ang pagiging kumpiyansa.
“I think from the way we performed against Mindanao, the boys realized how important every game is. Kahit anong ganda ng talent ng team mo, if you go into a game thinking that you’re going to win, there’s always a chance na maging maswerte yung kalaban,” pahayag ni Caida coach Caloy Garcia
Matatag ang kapit ng Caida sa ikalawang puwesto na nagbigay sa kanila ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals subalit gusto ni Garcia na mataas ang moral ng kanyang bataan bago tumuntong sa susunod na yugto ng bakbakan.
Sa kabilang banda, ang Accelerators ay naghahangad din ng magarbong pagtatapos sa eliminasyon.
“We always have to keep our best,” ani Phoenix coach Eric Gonzales na napilayan matapos magtamo ng injury sina Roger Pogoy (hamstring) at Raymar Jose (sprained ankle).
Ngunit inaasahang makapaglalaro sina Pogoy at Jose sa playoffs.
“Kahit kulang kami, we should play to win,” dagdag ni Gonzales.