MANILA, Philippines - Siyam na araw bago humataw ang Philippine Superliga Invitationals ay wala pa ring tiyak na koponang mapaglalaruan si Aby Maraño.
Sa kanyang Twitter account ay ibinulalas ni Maraño, dating kamador ng La Salle Lady Spikers sa UAAP, ang kanyang saloobin.
“Ang gusto ko lang, maglaro ng Volleyball. Please let me,” wika ni Maraño.
Bubuksan ang Philippine Superliga Invitationals sa Feb. 18 sa The Arena sa San Juan City.
Natapos na ang kontrata ni Maraño sa Petron Blaze at bumagsak naman ang pakikipag-usap niya sa Army-RC Cola.
Kumampanya si Maraño ng isang season para sa Petron na nagwagi sa All-Filipino Conference at sumegunda sa nagreynang Foton sa Grand Prix noong nakaraang taon.
Naging miyembro rin siya ng Generika squad na nabigo sa nanalong Petron sa Grand Prix noong 2014.
Isa si Maraño sa mga players na tumulong sa Lady Archers sa pagsikwat sa ‘three-peat’ sa UAAP at naging miyembro ng Army na yumukod sa PLDT sa Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference noong 2015.
Bukod sa Petron, Foton at Army-RC Cola, nagkumpirma rin ng pagsali sa PSL Invitationals ang Philips Gold, Cignal, F2 Logistics o Phoenix at expansion team San Jose Builders, magtatampok sa Perpetual Help at ilang star players sa NCAA na kinabibilangan nina back-to-back season MVP Gretchel Soltones ng San Sebastian at Finals MVP Jeanette Panaga ng St. Benilde.
Subalit wala pa ring natatanggap na alok mula sa naturang mga koponan si Maraño.
Samantala, hinugot ng Petron si Arellano star CJ Rosario at dating Shakey’s V-League MVP Aiza Maizo-Pontillas para patibayin ang kanilang kampanya.