TOKYO -- Tiwala ang pamunuan ng Philippine Swimming League (PSL) na hindi makakaapekto sa kampanya ng mga Pinoy swimmers ang napakalamig na klima sa 2016 Tokyo National Swimming Championship na magsisimula sa Pebrero 7 hanggang 10 sa St. Mary’s International School dito.
“Mas malamig ang klima ngayon kumpara noong November nang lumaban kami kaya kailangan ng mga bata na makapag-acclimatize para makapag-adjust ang katawan nila sa cold weather,” wika ni PSL president Susan Papa patungkol sa klima rito na nasa 9 degrees hanggang 1 degree celcius.
Sasandalan ng PSL sa paghakot ng ginto sina Swimmer of the Year top candidates Sean Terence Zamora ng Santo Tomas University at Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary-College-Parañaque.
Bukod sa dalawang swimmers na nabanggit, inaasahang gagawa rin ng produktibong paglangoy sina UAAP Season 78 gold medalist Drew Benett Magbag ng University of the Philippines Integrated School, Gwangju Universiade veteran Jux Keaton Solita ng UST at Singapore Swimming Championship Most Outstanding Swimmer awardee Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy.
“We want to make sure that they are in tip top conditions before plunging into action. These kids are motivated and they are raring to go and win medals for our country,” dagdag ni Papa na nakatakdang sanayin ngayong umaga ang mga tankers sa malamig na tubig.
Kasama rin sa kakampanya sa Pinas ang beterano ng Indian Ocean All-Star Challenge na sina Lans Rawlin Donato ng UP at Martin Pupos ng National University, Singapore Invitational Swimming Meet medalist Joey del Rosario ng De La Salle Santiago Zobel School, sina Lowenstein Julian Lazaro at John Leo Paul Salibio.