MANILA, Philippines – Ang panalo na lamang sa Game Four ang kailangan ng Alaska para makumpleto ang pagwalis sa nagdedepensang San Miguel sa kanilang best-of-seven championship series.
Ngunit sa likod nina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross ay nagawa ng Beermen na itakas ang 110-104 overtime win.
Ayon kay coach Leo Austria, ang naturang panalo sa Game Four ang naging ‘game-changer’ para sa San Miguel.
“Parang nabuhayan ulit sila eh,” sambit ni Austria, naunang iginiya ang San Miguel Corporation franchise sa korona ng nakaraang PBA Philippine Cup at Governor’s Cup.
Ang Alaska ni American mentor Alex Compton ang kanilang tinalo sa naturang dalawang PBA Finals.
Muling nakalusot ang Beermen sa Aces matapos angkinin ang 86-73 panalo sa extenson kung saan naglaro si back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo sa title series matapos magkaroon ng hyperextended left knee injury sa kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine Elasto Painters.
“We fought them in a close fight in each of the first three games. All those games could’ve gone either way,” sabi ni Austria. “So we probably can say that we can beat them even without June Mar. But we could’ve not salvaged the series without him.”
Tuluyan nang naitakda ng San Miguel ang Game Seven nang muling gibain ang Alaska, 100-89, sa Game Six para itabla sa 3-3 ang kanilang serye.
Isang mapangahas na estratehiya naman ang ginawa ni Compton sa unang segundo ng Game Seven.
Inubos ng Aces ang tatlo nilang mandatory timeouts matapos ang opening tip kasunod ang pagpapalit sa starting five na sina Cyrus Baguio, Dondon Hontiveros, Eric Menk, Rome dela Rosa at center Sam Eman.
“Nagulat din kami. Maybe it backfired kasi in the endgame nawalan sila ng timeout,” sabi ni Austria sa game plan ni Compton.
Halos isang linggong lalasapin ng San Miguel ang kanilang tagumpay bago sumabak sa 2016 PBA Commissioner’s Cup na magsisimula sa Pebrero 10.
Ang 6’8 center/forward na si Tyler Wilkerson ang ipaparada ng Beermen para sa second conference.
Si Wilkerson ay naging teammate nina Chris Ross at Chris Lutz sa Marshall University.
Ang 27-anyos na si Wilkerson ay isang undrafted player noong 2010 NBA Draft at naglaro sa Israel, Korea at Puerto Rico.
Pinapirma siya ng San Antonio Spurs noong 2012 ngunit pinaglaro sa Austin Toros sa NBA D-League.
Ang mga makakaharap ni Wilkerson sa 2016 PBA Commissioner’s Cup ay sina sina Ivan Johnson (Talk ‘N Text), Malcolm Rhett (Blackwater), Denzel Bowles (Star), Malcolm Thomas (Meralco), Augustus Gilchrist (Mahindra), Othyus Jeffers (Ginebra), Al Thornton (NLEX), Wayne Chism (Rain or Shine) at Rob Dozier (Alaska)
Ang Tropang Texters ang magtatanggol ng korona sa muling paggiya ni Johnson.