LOS ANGELES - Ito na ang pinakamagandang inilaro ni Kobe Bryant para sa kanyang farewell season.
Kumamada si Bryant ng pitong three-pointers at nagposte ng season-high 38 points para tulungan ang Los Angeles Lakers na tapusin ang 10-game losing skid mula sa 119-115 panalo sa Minnesota Timberwolves.
Nag-ambag si Lou Williams ng 20 points para sa Lakers,naiwasan ang pagtatala ng pinakamahabang losing skid sa kasaysayan ng 16-time champion franchise sa kabila ng napakawalang 16-point lead sa second half.
Nauna nang nakatikim ang Los Angeles ng 10-sunod na kamalasan noong 1994. Ito ang unang panalo ng Lakers, nakahugot ng 18 points kay rookie D’Angelo Russell, matapos noong Jan. 12.
Matapos kunin ng Timberwolves ang bentahe ay muling itinaas ni Bryant ang Lakers mula sa kanyang back-to-back 3-pointers.
Nagsalpak din siya ng isang 19-footer sa huling 26 segundo na nag-angat sa Lakers sa 113-110 abante.
Kumonekta si Bryant ng anim na free throws sa huling 16.7 segundo para sa pinakamagandang laro ng third-leading scorer sa NBA history.
Nagtala naman si Andrew Wiggins ng 30 points para sa Timberwolves, naipatalo ang huling limang sunod na laro, habang nagdagdag si Gorgui Dieng ng 19 points kasunod ang 14 ni Karl-Anthony Towns.
Naglaro ang Timberwolves na wala sina injured Kevin Martin, Nikola Pekovic at Kevin Garnett.
Sa New York, naglista si Isaiah Thomas ng 20 points at 8 assists para ibigay sa Boston Celtics ang 97-89 panalo laban sa Knicks.
Nag-ambag naman sina Jae Crowder at Tyler Zeller ng tig-16 points, habang umiskor din sina reserves Evan Turner at Kelly Olynyk sa double figures.
Tumapos si Turner na may 14 points at 10 rebounds, habang humakot si Olynyk ng 13 points.
Sa Houston, umiskor si James Harden ng 26 points at pinantayan ang kanyang career-high na 14 assists para ihaid ang Rockets sa 115-102 panalo laban sa Miami Heat.
Isinilbi naman ni center Dwight Howard ang kanyang one-game suspension dahil sa pagbangga sa isang opisyal sa kanilang nakaraaang laro.