Greatest comeback sa Beermen: Kampeon sa PBA Philippine Cup

 Nagdiwang ang San Miguel Beer nang makopo ang kampeonato ng PBA Philippine Cup matapos bumangon mula sa 0-3 deficit laban sa Alaska Aces. Jun Mendoza

MANILA, Philippines – Nagkaroon si  back-to-back Most Valuable Player June Mar Fajardo ng hyperextended left knee injury sa semifinals series ng San Miguel at Rain or Shine at hindi ‘consistent’ ang inilalaro nina Arwind Santos at Alex Cabagnot.

Sino ang mag-aakalang makakabangon pa ang Beermen mula sa malaking 0-3 pagkakabaon sa kanilang title showdown ng Aces.

Isinulat ng San Miguel ang sariling pangalan sa basketball history matapos angkinin ang huling apat na laro at talunin ang Alaska sa Game Seven, 96-89 para sikwatin ang kampeonato ng 2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

“Miracle is just around the corner, and  it happened,” sabi ni coach Leo Austria, nakamit ang kanyang pangatlong titulo bilang coach.

Ito ang pang-22 PBA championship ng Beermen, naghari rin sa nakaraang Governor’s Cup matapos walisin ang Aces, 4-0 sa kanilang titular showdown.

Inasahan ni Alaska coach Alex Compton na ma­wa­wala sa kanilang laro ang San Miguel nang magsunog ng tatlong mandatory timeouts sa pagsisimula pa lamang ng first period at kaagad na pagpapalit ng kanyang starting five.

Ngunit wala itong naging epekto sa Beermen.

Itinayo ng SMC franchise ang isang 10-point lead, 18-8, sa 3:41 ng opening quarter mula sa technical free throw ni Ronald Tubid bago nakalapit ang Aces sa pagbungad ng third period, 40-43.

Matapos makadikit ang Alaska ay nanalasa naman ang 6-foot-10 na si Fajardo nang kumamada ng 13 points para ilayong muli ang Beermen sa 63-46 sa 4:19 minuto nito.

Lalo pang ibinaon ng San Miguel ang Alaska nang itarak ang malaking 21-point advantage, 68-47, buhat sa three-point shot ni one-time MVP Arwind Santos sa huling 2:10 minuto ng nasabing yugto.

Samantala, si Chris Ross ang tinanghal na Finals MVP ng liga.

San Miguel 96 - Fajardo 21, Ross 21, Lassiter 15, Santos 13, Cabagnot 8, De Ocampo 7, Tubid 7, Espinas 2, Lutz 2, Heruela 0.

Alaska 89 - Banchero 21, Abueva 16, Baguio 10, Casio 8, Exciminiano 8, Hontiveros 6, Baclao 4, Jazul 4, Thoss 4, Dela Rosa 3, Manuel 3, Dela Cruz 2, Eman 0, Menk 0.

Quarterscores: 22-16, 43-38, 68-51, 96-89.

Show comments