MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Philippine Track and Field Association ang pagpapadala ng mga atleta para magsanay sa ibang bansa sa hangaring makakuha ng tiket para sa 2016 Rio Olympics kasama si Fil-Am hurdler Eric Shauwn Cray.
Sinabi kahapon ni athletics chief Philip Ella Juico na magtutungo sa susunod na linggo sina runner Melvin Guarte, relay specialist Edgardo Alejan at steeplechaser Christopher Ulboc sa Perth, Australia para magsanay sa loob ng tatlong buwan.
“We’re sending them to Perth next week because we want to maximize our chances of qualifying more athletes to the Olympics,” wika ni Juico.
Nauna nang naipadala ng PATAFA si pole vaulter EJ Obiena sa Poland noong Disyembre para sa tsansang makapaglaro sa Rio Oympics.
“He’s been training in Poland under coach Vitaly Petrov since December 19 and will do so until January 18,” wika ni Juico kay Obiena, nakatakdang lumahok sa UAAP sa Feb. 17 at sa Asian Indoor Championship sa Qatar.
Nagsasanay naman si long jumper Marestella Torres sa ilalim ng isang private group at puntirya ang isang silya sa Olympics.
Si Cray ang tanging Filipino na nakapasok sa 2016 Rio Olympics matapos makapasa sa qualifying standard sa nilahukang event sa Los Angeles noong nakaraang taon.
Nagsumite si Cray, isang Southeast Asian Games gold medallist, ng bilis na 49.12 segundo sa 400-meter hurdles para malampasan ang 49.40-second Olympic qualifying standard.