MANILA, Philippines – Magarbong inumpisahan ng La Salle ang kampanya nito matapos tuhugin ang Far Eastern University, 29-27, 25-23, 25-20 kahapon sa University Athletic Association of the Philippines Season 78 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nakakuha ng lakas ang Lady Spikers mula kay Mika Reyes na pumalo ng 13 puntos habang maganda ang pagbabalik-aksiyon ni dating Most Valuable Player Ara Galang na nag-ambag ng 10 puntos, limang digs at limang receptions.
Impresibo rin ang ipinamalas ni Kim Fajardo na may 35 excellent sets
Naglista ng kabuuang anim na blocks ang Lady Spikers tampok ang tig-dalawa mula kina Christine Soyud at Mary Joy Baron habang dalawang aces naman ang ibinigay ni Carol Cerveza.
Hindi napakinabangan ang 13 ni Toni Rose Basas at 12 ni Mary Remy Palma para sa Lady Tams na bumagsak sa 0-1 panimula.
Sa unang laro, napigilan ng Adamson University ang paghahabol ng University of Santo Tomas upang itakas ang 25-22, 25-21, 20-25, 28-30, 16-14 panalo.
Nanguna si Jessica Galanza sa ratsada ng Lady Falcons nang magtala ito ng career-high 28 habang nakatuwang nito sina utility spiker Mylene Paat na nagdagdag ng 19 puntos at middle hitter May Roque na may 13 puntos na kontribusyon.
“It’s a team effort. Basta kami laban lang tulung-tulong kami, nakikinig lang kami sa sinasabi ng coach namin. Magandang panalo ito sa amin para mas ma-boost pa ang morale namin sa mga susunod naming laro,” wika ni Galanza.
Kumana rin si Cherry Rondina ng career-high 30 points subalit hindi pa rin ito sapat upang mahulog ang Tigresses sa 0-1 rekord.
Sa men’s division, naiselyo ng Salle at National University ang kanilang unang panalo matapos pulbusin ang kani-kanilang karibal.
Nagsanib-puwersa sina Raymark Woo, John Arjay Onia at Ralph Calasin sa pagtarak ng 46 puntos para tulungan ang Green Archers na maitala ang 25-18 28-26, 26-24 panalao laban sa University of the East.
Namayani naman ang Bulldogs kontra sa Adamson, 25-22, 25-22, 25-7 sa likod ng pagsisikap nina James Martin at Bryan Bagunas na may tig-11 puntos.
Nakisalo ang La Salle at NU sa Ateneo at FEU sa unahan ng standings tangan ang pare-parehong 1-0 kartada.