MANILA, Philippines – Nagbulsa ang national squash rackets team ng isang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa 2nd South East Asian Cup Squash Championship na ginanap sa Nay Pyi Taw, Myanmar
Nasungkit nina Jemyca Aribado at Yvonne Dalida ang ginto sa women’s jumbo doubles habang nasiguro naman nina Robert Garcia at David Pelino ang pilak sa men’s jumbo doubles. Ang dalawang tanso ay galing kay Aribado (women’s individual) at mixed team event.
Tumapos sa ikatlong puwesto ang Pilipinas sa medal tally habang napasakamay ng Singapore ang overall title tangan ang dalawang ginto, dalawang pilak at tatlong tanso.
Umaasa si Squash Rackets Association of the Philippines (SRAP) President Robert Bachmann na ang kanilang matagumpay na kampanya sa Myanmar ang magsisilbing simula ng kanilang magandang laban sa mga international competitions partikular na sa 2017 Southeast Asian Games na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang Pinoy squashers ay nagkasya sa tatlong tanso sa Singapore SEA Games noong nakaraang taon.